Hello, Miguel.
April na. Malapit na ang birthday ko. Isang buwan na lang, magbe-bente uno na ako. Ang bilis. Parang last year lang… ang dami pang nangyayari, ang dami ko pang kayang maramdaman. Ngayon… para na lang akong taong kailangang gumising araw-araw at gawin ‘yung routine ko para may magpapaalala sa akin na buhay ako.
Nagti-thesis na pala ako. 3rd year college, second sem, hopefully, ma-defend ang thesis para makadiretso ako sa 4th year. Pero kaya ko ‘yun! Hahaha, naririnig tuloy kita, sasabihan mo ako ng, “Ikaw pa ba? Mayabang ka e. Kaya mo ‘yan.”
Alam mo, sinusulatan na naman kita kasi nakita ko na naman ‘yung mga screenshot nong convo nating dalawa. Naalala na naman kita. Nasasaktan na naman ako.
Naalala ko na hinintay mo ako makauwi bago ka matulog. Naalala ko na sinamahan mo ako magpuyat. Naaalala ko na hinihintay mo ako makatulog para masigurong hindi ako nananaginip ng masama. Naaalala ko na tinutulungan mo ako sa schoolworks ko. Kaya no’ng mga panahong nagse-search ako ng Related Literature at Studies sa thesis ko, naalala kita. Siguro tinutulungan mo ako maghanap ng article at periodicals. Siguro, sasabihan mo ako na matulog na, tapos ikaw nang bahala sa iba.
Naaalala ko na nandyan ka; kausap kita; kakabahan ako.
Alam mo, icha-chat dapat kita ngayong Holy Week. Kokonsensyahin. 105 days na ‘yung lumipas sa araw na dapat sana makikila kita.
Binisita ko ulit ang telegram. Naka-save ka sa contacts ko, nandon pa rin ‘yung huling message ko sayo nong December. Swarley pa rin ‘yung pangalan mo. Nakakainis ‘to, si Barney ‘yan ‘di ba? Naalala ko, pinapanood mo How I Met Your Mother. Sana katulad ko, naiinis ka rin sa katangahan ni Marshall. Naiinis kasi ako na lawyer profession nya ro’n tas gano’n sya kabilis utuin. Dinogshow? Kimi.
Um-attend ako nong Cenakulo. Andon kasi mga kapatid ko, gumanap sila. Pumunta lang talaga ako para mag mag-picture sa kanila. Inis na inis kasi second sister ko dahil ‘yung bunso naming kapatid, wala raw maayos na picture sa kanya.
Hindi ako nagsimba ngayon. Happy Easter pala! Nami-miss mo kaya mga gawain sa simbahan kapag Holy Week? Minsan kasi, ako, iniisip ko, ano kaya ‘ka ko’ng ginagawa ko kung nandoon pa rin ako? Kung active church member pa rin ako?
Ikaw ba? Minsan ba, naiisip mo rin bumalik?
Kumusta ka kaya? Sana okay ka.
Palagi,
Felice